Dapat Wasakin ng Diyos ang Sodoma
Gen 18:26 At sinabi ni Jehova, Kung makasumpong Ako sa Sodoma ng limampung matuwid sa loob ng lungsod, patatawarin Ko ang buong lugar, alang-alang sa kanila.
Gen 18:29 At siya’y muling nagsalita pa sa Kanya, at sinabi, Marahil ay may masusumpungang apatnapu. At sinabi Niya, Hindi Ko gagawin.
Gen 18:30 At sinabi niya, kung sakaling may masusumpungan doong tatlumpu. At sinabi Niya, Hindi Ko gagawin.
Gen 18:31 At kanyang sinabi, kung sakaling may masusumpungan doong dalawampu. At sinabi Niya, Hindi Ko lilipulin.
Gen 18:32 At sinabi niya, kung sakaling may masusumpungan doong sammpu. at sinabi Niya, Hindi Ko lilipulin.
Ito ang ilang mga siping napili Ko mula sa Biblia. Hindi ito ang kumpleto at orihinal na mga bersyon. Kung nais ninyong makita ang mga iyon, maaari ninyo mismong tingnan sa Biblia; upang makatipid sa oras, inalis Ko ang orihinal na bahagi ng nilalaman. Pinili Ko lamang dito ang ilang pangunahing sipi at pangungusap, at iniwan ang ilang pangungusap na walang kinalaman sa ating pagbabahagi ngayon. Sa lahat ng sipi at nilalaman na ating ibinabahagi, hindi natin pagtutuunan ng pansin ang mga detalye ng mga kuwento at asal ng tao sa mga kuwento; sa halip, pag-uusapan lang natin ang mga kaisipan at ideya ng Diyos sa panahong iyon. Sa mga kaisipan at ideya ng Diyos, makikita natin ang disposisyon ng Diyos, at mula sa lahat ng ginawa ng Diyos, makikita natin ang tunay na Diyos Mismo—at makakamtan natin mula rito ang ating layunin.
Pinagtutuunan Lamang ng Pansin ng Diyos ang mga Nakakasunod sa Kanyang mga Salita at Sinusunod ang Kanyang mga Utos
Naglalaman ng ilang pangunahing salita ang mga sipi sa itaas: mga numero. Una, sinabi ng Diyos na si Jehova na kung may matagpuan Siyang limampung matuwid sa lungsod, patatawarin Niya kung gayon ang buong lugar, na nangangahulugang hindi Niya wawasakin ang lungsod. Mayroon nga ba talagang limampung matuwid sa Sodoma? Wala. Pagkatapos na pagkatapos, ano ang sinabi ni Abraham sa Diyos? Sinabi niya, marahil ay may masusumpungang apatnapu? At sinabi ng Diyos, hindi Ko gagawin ito. Pagkatapos, sinabi ni Abraham, marahil ay may masusumpungang tatlumpu roon? At sinabi ng Diyos, hindi Ko gagawin ito. At marahil dalawampu? Hindi Ko gagawin ito. Sampu? Hindi Ko gagawin ito. Mayroon nga ba talagang sampung matuwid sa lungsod? Walang sampu—ngunit mayroong isa. At sino ang isang ito? Ito ay si Lot. Sa panahong iyon, may iisa lamang na taong matuwid sa Sodoma, ngunit masyado bang mahigpit o mapagwasto ang Diyos pagdating sa bilang na ito? Hindi, hindi Siya ganoon! At nang paulit-ulit na nagtatanong ang tao, “Paano kung apatnapu?” “Paano kung tatlumpu?” hanggang sa napunta siya sa “Paano kung sampu?” Sinabi ng Diyos, “Kahit na may sampu lamang, hindi Ko wawasakin ang lungsod; patatawarin Ko iyon at papatawarin ang ibang tao bukod sa sampung ito.” Maaaring kaawa-awa talaga ang bilang na sampu, ngunit sa totoo, wala man lang ganoon karaming tao ang matuwid sa Sodoma. Sa gayon, nakikita mo na sa mga mata ng Diyos, ang kasalanan at kasamaan ng mga tao sa lungsod ay gayon na lamang na wala nang iba pang magagawa ang Diyos kundi ang wasakin sila. Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang hindi Niya wawasakin ang lungsod kung may limampung matuwid? Ang mga numerong ito ay hindi mahalaga sa Diyos. Ang mahalaga ay kung naglalaman o hindi ang lungsod ng matuwid na nais Niya. Kung may isa lang matuwid na tao ang lungsod, hindi hahayaan ng Diyos na mapahamak sila dahil sa Kanyang pagwasak sa lungsod. Ang ibig sabihin nito, na kahit wasakin o hindi ng Diyos ang lungsod, at gaano man karami ang matuwid doon, para sa Diyos ang makasalanang lungsod na ito ay napakasama at kasuklam-suklam, at dapat lang na wasakin, dapat maglaho mula sa mga mata ng Diyos, habang dapat manatili ang matuwid. Hindi alintana ang kapanahunan, hindi alintana ang yugto ng pag-unlad ng sangkatauhan, ang saloobin ng Diyos ay hindi nagbabago: Kinamumuhian Niya ang kasamaan, at nagmamalasakit sa mga matuwid sa Kanyang mga mata. Itong malinaw na saloobin ng Diyos ay tunay din na pahayag ng diwa ng Diyos. Dahil may iisa lamang na matuwid na tao sa loob ng lungsod, hindi na nag-atubili pa ang Diyos. Ang katapusang resulta ay ang hindi maiiwasang pagkawasak ng Sodoma. Ano ang nakikita ninyo rito? Sa kapanahunang iyon, hindi wawasakin ng Diyos ang isang lungsod kung mayroong limampung matuwid sa loob nito, at hindi rin kung may sampu, na nangangahulugan na ang Diyos ay magpapasiya na magpatawad at maging mapagparaya sa sangkatauhan, o gagawin ang gawain ng pagpatnubay, dahil kaya Siyang igalang at sambahin ng ilang tao. Nagtitiwala nang malaki ang Diyos sa matutuwid na gawa ng tao, malaki ang tiwala Niya sa mga sumasamba sa Kanya, at nagtitiwala Siya nang malaki sa mga nakagagawa ng mabubuting gawain sa harapan Niya.
Sagana sa Awa ang Diyos sa Kanyang mga Pinagmamalasakitan, at Malalim ang Poot sa mga Kinamumuhian at Tinatanggihan Niya
Sa mga salaysay sa Biblia, mayroon bang sampung mga lingkod ng Diyos sa Sodoma? Hindi, wala ang mga ito! Karapat-dapat bang kaawaan ng Diyos ang lungsod na ito? Tanging ang isang tao sa lungsod—si Lot—ang tumanggap sa mga sugo ng Diyos. Ang pahiwatig nito ay dahil iisa lamang ang lingkod ng Diyos sa lungsod, at sa gayon walang ibang pagpipilian ang Diyos kundi ang iligtas si Lot at wasakin ang lungsod ng Sodoma. Maaaring simple ang pag-uusap na ito sa pagitan ni Abraham at ng Diyos, ngunit isang bagay na napakalalim ang ipinapakita nito: May mga prinsipyo sa mga pagkilos ng Diyos, at bago gumawa ng isang desisyon, maglalaan Siya ng mahabang oras sa pagmamasid at pagsasaalang-alang; bago ang tamang oras, siguradong hindi Siya gagawa ng anumang desisyon o agad-agad na magpapasiya. Ang mga pag-uusap sa pagitan ni Abraham at ng Diyos ay nagpapakita sa atin na wala ni katiting na pagkakamali ang desisyon ng Diyos na wasakin ang Sodoma, dahil alam na ng Diyos na walang apatnapung matuwid sa lungsod, walang tatlumpu, walang dalawampu. Wala ni kahit na sampu. Ang tanging matuwid na tao sa lungsod ay si Lot. Ang lahat ng nangyari sa Sodoma at kalagayan nito ay pinagmasdan ng Diyos, at pamilyar sa Diyos gaya ng likuran ng Kanyang sariling kamay. Kaya, ang Kanyang desisyon ay hindi maaaring maging mali. Sa kabilang banda, kung ihambing sa pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos, napakamanhid ng tao, sobrang hangal at mangmang, lubos na kulang sa pagpapahalaga sa kinabukasan. Ito ang nakikita natin sa mga pag-uusap sa pagitan ni Abraham at ng Diyos. Inilalabas ng Diyos ang Kanyang disposisyon mula sa simula hanggang sa ngayon. Dito, gayon din naman, mayroon ding disposisyon ng Diyos na dapat nating makita. Simple ang mga numero, at hindi nagpapakita ng kahit ano, ngunit dito ay may napakahalagang pagpapahayag sa disposisyon ng Diyos. Hindi wawasakin ng Diyos ang lungsod dahil sa limampung matuwid. Ito ba ay dahil sa awa ng Diyos? Ito ba ay dahil sa Kanyang pag-ibig at pagpapaubaya? Nakita ba ninyo ang panig na ito ng disposisyon ng Diyos? Kahit na may sampung matuwid lamang, hindi sana wawasakin ng Diyos ang lungsod dahil sa sampung matuwid na mga taong ito. Ito ba, o hindi ba ito ang pagpapaubaya at pagmamahal ng Diyos? Dahil sa awa, pagpapaubaya, at pagmamalasakit ng Diyos sa matuwid na mga taong ito, hindi Niya sana wawasakin ang lungsod. Ito ang pagpapaubaya ng Diyos. At sa katapusan, ano ang kalalabasan na nakikita natin? Nang sinabi ni Abraham, “Marahil sampung masusumpungan doon,” Sinabi ng Diyos, “Hindi Ko lilipulin.” Pagkatapos noon, wala nang sinabi si Abraham—dahil walang sampung matuwid sa Sodoma na Kanyang tinukoy, at wala na siyang sinabi pa, at sa panahong iyon naunawaan niya kung bakit nagpasiya ang Diyos na wasakin ang Sodoma. Dito, anong disposisyon ng Diyos ang nakikita ninyo? Anong klaseng paglutas ang binitiwan ng Diyos? Iyan ay, kung walang sampung matuwid ang lungsod na ito, hindi pinahintulutan ng Diyos ang pag-iral nito at hindi maiiwasan ang pagwasak dito. Hindi ba ito ang poot ng Diyos? Ang poot bang ito ang kumakatawan sa disposisyon ng Diyos? Ito bang disposisyon ang pahayag ng banal na diwa ng Diyos? Ito ba ay ang pahayag ng matuwid na diwa ng Diyos, na hindi dapat sinasaktan ng tao? Dahil napagtibay na walang sampung matuwid sa Sodoma, tiniyak ng Diyos na wawasakin ang lungsod, at parurusahan nang matindi ang mga tao sa lungsod na iyan, dahil sinalungat nila ang Diyos at dahil masyadong marumi at tiwali sila.
Bakit natin sinuri ang mga siping ito sa ganitong paraan? Dahil ang ilang simpleng pangungusap na ito ay nagbibigay ng ganap na pagpapahayag sa disposisyon ng Diyos tungkol sa masaganang awa at malalim na poot. Kasabay sa pagpapahalaga sa matuwid, at pagkakaroon ng awa, pagpapaubaya, at pagmamalasakit sa kanila, may malalim na galit sa puso ng Diyos para sa lahat ng nasa Sodoma na naging tiwali. Ito ba, o hindi ba ito, ang malaking awa at malalim na poot? Sa anong paraan ginawa ng Diyos na wasakin ang lungsod? Sa pamamagitan ng apoy. At bakit Niya winasak ito gamit ang apoy? Kapag nakikita mo ang isang bagay na nasusunog ng apoy, o kung magsusunog ka ng isang bagay, ano ang nararamdaman mo rito? Bakit gusto mong sunugin ito? Nadarama mo ba na hindi mo na kailangan ang mga ito, na hindi mo na nais pang tingnan ang mga ito? Gusto mo bang iwanan ito? Ang paggamit ng Diyos sa apoy ay nangangahulugan ng pag-iiwan, at pagkamuhi, at hindi na Niya nais pang makita ang Sodoma. Ito ang damdaming nagtulak sa Diyos upang tupukin ng apoy ang Sodoma. Ang paggamit ng apoy ay kumakatawan lamang kung gaano ang galit ng Diyos. Ang awa at pagpapaubaya ng Diyos ay talagang umiiral, ngunit ang kabanalan at pagkamatuwid ng Diyos kapag pinakakawalan Niya ang Kanyang poot ay nagpapakita rin sa tao ng panig ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng pagkakasala. Kapag ganap na kayang sundin ng tao ang mga utos ng Diyos at kumikilos alinsunod sa mga kailangan ng Diyos, masagana ang awa ng Diyos sa tao; napakatindi ng galit ng Diyos kapag ang tao ay napuno ng katiwalian, pagkamuhi at pagkapoot para sa Kanya. At hanggang saan ang tindi ng Kanyang galit? Mananatili ang Kanyang poot hanggang hindi na nakikita ng Diyos ang pagsuway at masasamang gawa ng tao, hanggang wala na sila sa harapan ng Kanyang mga mata. Saka lamang mawawala ang galit ng Diyos. Sa ibang salita, hindi mahalaga kung sinuman ang tao, kung ang kanilang puso ay naging malayo mula sa Diyos, at tumalikod sa Diyos, hindi kailanman bumalik, kung gayon hindi alintana kung paano, anumang anyo o patungkol sa kanilang pansariling pagnanasa, nais nilang sumamba at sumunod at tumalima sa Diyos sa kanilang katawan o sa kanilang pag-iisip, sa oras na tumalikod ang kanilang puso sa Diyos, ang poot ng Diyos ay pakakawalan nang walang tigil. Ito ay magiging tulad ng kapag lubos na pinapakawalan ng Diyos ang Kanyang galit, dahil nabigyan ng sapat na mga pagkakataon ang tao, sa oras na pakawalan ito wala nang paraan upang bawiin ito, at hindi na Siya kailanman pa maaawa at magpapaubaya sa naturang tao. Ito ay isang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng anumang kasalanan. Dito, tila normal sa mga tao na wawasakin ng Diyos ang isang lungsod, dahil, sa mga mata ng Diyos, ang lungsod na puno ng kasalanan ay hindi maaaring umiral at magpatuloy na manatili, at makatuwiran lang na dapat itong wasakin ng Diyos. Ngunit sa nangyari bago at kasunod ng Kanyang pagwasak sa Sodoma, nakikita natin ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos. Siya ay mapagparaya at maawain sa mga bagay na mabait, at maganda, at mabuti; sa mga bagay na masama, at makasalanan, at nakakasuklam, malalim ang Kanyang poot, sa paraang hindi tumitigil ang Kanyang poot. Ito ang dalawang pangunahin at pinakakilalang aspeto sa disposisyon ng Diyos, at, higit pa rito, nabunyag ang mga ito ng Diyos mula simula hanggang katapusan: malaking awa at malalim na poot. Karamihan sa inyo ay nakaranas na ng awa ng Diyos, ngunit napakakaunti sa inyo ang nagpahalaga sa poot ng Diyos. Ang awa at mapagkandiling pagmamahal ng Diyos ay makikita sa bawat tao; ang ibig sabihin, na ang Diyos ay nagbigay ng masaganang awa sa bawat tao. Ngunit napaka-bihira—o, masasabing, hindi kailanman—nagalit nang matindi ang Diyos sa sinumang indibidwal o sa anumang pangkat ng mga tao sa gitna ninyo. Huminahon lang! Sa darating na panahon, ang poot ng Diyos ay makikita at mararanasan ng bawat tao, ngunit hindi pa ngayon ang panahon. At bakit ganito? Dahil kapag palaging galit ang Diyos sa isang tao, iyan nga, kapag pinakawalan Niya sa kanila ang Kanyang malalim na poot, ibig sabihin nito na matagal na Niyang kinamuhian at tinanggihan ang taong ito, kinamumuhian Niya ang kanilang pananatiling buhay, at hindi Niya matatagalan ang kanilang pananatiling buhay; sa sandaling dumating ang Kanyang galit sa kanila, sila ay maglalaho. Ngayon, ang gawain ng Diyos ay upang maabot ang puntong iyan. Wala ni isa sa inyo ang makakayanan ito kapag ang Diyos ay lubhang nagalit. Nakikita ninyo, kung gayon, na sa panahong ito masagana lamang ang awa ng Diyos sa inyong lahat, ngunit hindi pa ninyo nakikita ang Kanyang malalim na galit. Kung may mga nanatiling hindi kumbinsido, maaaring hingin ninyo na dumating sa inyo ang poot ng Diyos, upang maaari ninyong maranasan kung talagang naroroon o hindi ang poot ng Diyos at ang Kanyang di-naaagrabyadong disposisyon sa tao. Maglakas-loob kaya kayo?
—mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento