Kidlat ng Silanganan

菜單

Peb 1, 2019

Mga Pagbigkas ni Cristo|Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang Resulta ng Kanyang Gawain

Ikalawang Bahagi
Maglakad sa Landas ng Diyos: Matakot sa Diyos at Iwasan ang Kasamaan


May isang kasabihan na dapat ninyong tandaan. Naniniwala Ako na napakahalaga ng kasabihang ito, dahil para sa Akin, hindi na mabilang ang mga beses na ito’y naaalala sa bawat araw. Bakit ganoon? Dahil sa bawat pagkakataon na nahaharap Ako sa isang tao, sa tuwing makaririnig Ako ng kuwento ng isang tao, sa bawat oras na makaririnig Ako ng karanasan ng isang tao o ng kanilang patotoo sa pananampalataya sa Diyos, palagi Kong ginagamit ang kasabihang ito upang timbangin kung ang indibidwal ba na ito ay ang uri ng tao na gusto ng Diyos, ang uri ng tao na nais ng Diyos. Kaya ano ang kasabihan na ito, sa gayon? Sabik na sabik na kayong lahat sa paghihintay. Kapag ibinunyag Ko na ang kasabihan, marahil makararamdam kayo ng pagkabigo dahil sa loob ng maraming taon may mga taong nagsasabi nito nang hindi taos-puso. Nguni’t para sa Akin, tapat Ako sa Aking sinasabi. Nananatili sa Aking puso ang kasabihan na ito. Kaya ano ang kasabihan na ito?
Ito ang “lumakad sa landas ng Diyos; matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan.” Hindi ba napakasimpleng parirala nito? Ngunit kahit na simple ang kasabihan na ito, mararamdaman ng isang tao na may malalim na pagka-unawa dito na ito ay matimbang; na napakahalaga nito para sa pagsasagawa; na ito ay wika ng buhay na may reyalidad ng katotohanan; na ito ay isang panghabambuhay na layunin na pagsusumikapang kamtin ng mga nagnanais na bigyang-kasiyahan ang Diyos; at ito ay isang panghabambuhay na landas na sinusundan ng sinuman na maalalahanin sa mga layunin ng Diyos. Kaya ano sa tingin ninyo: Makatotohanan ba ang kasabihan na ito? May kabuluhan ba ito? Marahil mayroong ilang mga tao na nag-iisip tungkol sa kasabihang ito, sinusubukan nilang unawain ito, at ang ilan ay nagdududa pa rin dito: Malaki ba ang kahalagahan ng kasabihan na ito? Napakahalaga ba? Napakahalaga ba at karapat-dapat na bigyang diin? Marahil mayroong ilang mga tao na hindi masyadong gusto ang kasabihan na ito dahil sa tingin nila ang pagkuha sa landas ng Diyos at ilagay sa kasabihan na ito ay masyadong pagpapa-simple. Ang kunin ang lahat ng mga sinabi ng Diyos at ilagay sa isang kasabihan—hindi ba pagtrato ito sa Diyos na parang napakaliit ng kahalagahan Niya? Ganoon ba iyon? Maaaring hindi lubos na maunawaan ng karamihan sa inyo ang malalim na kahulugan na nasa likod ng mga salitang ito. Kahit na itinala ninyo ito, hindi niyo binalak ilagay ang kasabihan na ito sa inyong puso; itinala ninyo lamang ito, at muling babalikan at isip-isipin sa inyong bakanteng oras. May ibang mga tao na hindi man lang mag-abalang isaulo ang kasabihan, mas lalo na ang gamitin ito sa mabuting paraan. Ngunit bakit Ko tinatalakay ang kasabihan na ito? Anuman ang pananaw ninyo, o ang iisipin ninyo, kailangan Kong talakayin ang kasabihang ito dahil ito ay lubos na may katuturan sa kung paano itatatag ng Diyos ang kalalabasan ng tao. Anuman ang kasalukuyang pag-unawa ninyo sa kasabihang ito, o kung paano ang pagtrato ninyo dito, sasabihin Ko pa rin sa inyo: Kung may isang tao na maisasagawa ang kasabihang ito at makamit ang pamantayan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, mapapanatag sila na sila’y maliligtas, mapapanatag sila na may mabuti silang kalalabasan. Kung hindi mo makamit ang pamantayan na inilatag ng kasabihang ito, maaaring sabihin na hindi matukoy ang kalalabasan mo. Kaya makikipag-usap ako sa inyo tungkol sa kasabihang ito para sa kahandaan ng isipan ninyo, at sa gayon ay malaman ninyo kung anong uri ng pamantayan ang gagamitin ng Diyos na panukat sa inyo. Katulad ng katatalakay Ko lang, ang kasabihang ito ay lubos na may katuturan sa pagliligtas ng Diyos sa tao, at kung paano Niya itatatag ang kalalabasan ng tao. Saan nakalatag ang katuturan na ito? Talagang nais ninyong malaman ito, kaya tatalakayin natin ito ngayon.

Gumagamit ang Diyos ng Iba’t ibang mga Pagsubok upang Suriin kung ang mga Tao ay Takot sa Diyos at Iwas sa Kasamaan

Sa bawat panahon, kapag gumagawa ang Diyos sa mundo, nagbibigay Siya ng ilang mga salita sa tao, nagsasabi Siya sa tao ng ilang mga katotohanan. Nagsisilbi ang mga katotohanang ito bilang landas na susundan ng tao, ang daan na dapat lakaran ng tao, ang paraan na magbibigay-daan sa tao para matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan, at kung paano dapat isagawa at sundin ng mga tao sa kanilang mga buhay at sa kabuuan ng kanilang mga paglalakbay sa buhay. Ito ang mga dahilan kung bakit ipinagkaloob ng Diyos ang mga salitang ito sa tao. Ang mga salitang ito na nagbuhat sa Diyos ay dapat sundin ng tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susunod ang isang tao sa mga ito, hindi niya gagawin ang mga ito, at hindi niya isinasagawa ang mga salita ng Diyos, samakatuwid hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. At kung hindi nila isasagawa ang katotohanan, kung gayon hindi sila natatakot sa Diyos at hindi umiiwas sa kasamaan, at hindi rin nila nabibigyang-kasiyahan ang Diyos. Kung may taong hindi mabigyang-kasiyahan ang Diyos, hindi nila maaaring tanggapin ang papuri ng Diyos; ang ganitong uri ng tao ay walang kalalabasan. Kaya sa landasin ng gawain ng Diyos paano Niya itatatag ang kalalabasan ng isang tao, kung gayon? Anong paraan ang ginagamit ng Diyos upang itatag ang kalalabasan ng tao? Marahil hindi masyadong malinaw ito sa inyo ngayon, ngunit kapag sinabi Ko sa inyo ang proseso magiging mas malinaw ito. Ito ay dahil maraming mga tao ang mismong nakaranas na dito.

Sa kabuuan ng gawa ng Diyos, mula sa simula hanggang sa ngayon, naglaan ang Diyos ng mga pagsubok para sa bawat tao—o maaari ninyong sabihin, ang bawat tao na sumusunod sa Kanya—at ang mga pagsubok na ito ay may iba’t ibang sukat. May mga taong nakaranas ng pagsubok na tatalikuran ng kanilang pamilya; may mga nakaranas sa pagsubok na salungatin ng kapaligiran; may mga nakaranas sa pagsubok na dinakip at pinahirapan; may mga nakaranas ng pagsubok na pinaharap sa isang pagpipilian; at may mga taong nahaharap sa mga pagsubok ng pera at katayuan. Sa pangkalahatan, ang bawat isa sa inyo ay humarap sa lahat ng uri ng mga pagsubok. Bakit ganito kung gumawa ang Diyos? Bakit ganyan ang pagturing ng Diyos sa lahat? Anong klaseng resulta ang gusto Niyang makita? Ito ang mahalagang punto na gusto Kong sabihin sa inyo: Nais ng Diyos na makita kung ang taong ito ay ang uri na may takot sa Diyos at umiiwas sa masama. Ang ibig sabihin nito ay kapag nagbibigay ang Diyos sa iyo ng isang pagsubok, inihaharap ka sa ilang mga bagay-bagay, nais Niyang subukan kung ikaw ang taong may takot sa Diyos, ang taong umiiwas sa kasamaan. Kung ang isang tao ay binigyan ng tungkuling ingatan ang isang handog, at ginalaw nila ang handog sa Diyos, sa tingin mo ito ba ay isang bagay na inilaan ng Diyos? Walang duda! Ang lahat ng mga bagay na kinakaharap mo ay bagay na inilaan ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa bagay na ito, palihim na inoobserbahan ka ng Diyos, kung paano ang pagpili mo, kung paano ang pagsasagawa mo, kung ano ang iniisip mo. Ang kalalabasan ang pinaka-inaalala ng Diyos, dahil ito ang resulta na magpapahintulot sa Kanya upang masukat kung nakamit mo ba ang pamantayan ng Diyos sa pagsubok na ito. Gayunman, kapag nahaharap ang mga tao sa ilang mga bagay, madalas na hindi nila iniisip kung bakit sila nahaharap sa mga ito, o sa pamantayan na hinihingi ng Diyos. Hindi nila iniisip ang tungkol sa kung ano ang nais ng Diyos na makita sa kanila, kung ano ang gusto Niyang makuha mula sa mga ito. Kapag nahaharap sa bagay na ito, ang iniisip lang ng ganitong uri ng tao ay: “Ito ang bagay na kinahaharap ko; dapat akong maging maingat, hindi dapat pabaya! Anuman ang mangyari, ito ay handog para sa Diyos at hindi ko maaaring galawin ito.” Naniniwala ang taong ito na maaari nilang matupad ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng simpleng pag-iisip na tulad nito. Masisiyahan ba ang Diyos sa resulta ng pagsubok na ito? O hindi Siya masisiyahan? Maaari ninyong talakayin ito. (Kung may takot sa Diyos ang isang tao sa kanyang puso, kapag nahaharap siya sa tungkulin na magpapahintulot sa kanya na maka-ugnay ang handog na para sa Diyos, isasaalang-alang niya kung gaano kadaling magkasala sa disposisyon ng Diyos, kaya sisiguraduhin niyang kumilos nang may pag-iingat.) Ang pagtugon mo ay nasa tamang landas, ngunit hindi pa nagtatapos ito doon. Ang paglalakad sa landas ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mga panuntunan sa panlabas. Sa halip, ito ay nangangahulugan na kapag nahaharap ka sa isang bagay, una sa lahat, titingnan mo ito bilang isang pagkakataon na inilaan ng Diyos, isang tungkulin na ipinagkaloob Niya sa iyo, o isang bagay na ipinagkatiwala Niya sa iyo, at kapag nahaharap ka sa bagay na ito, dapat mo ring tingnan ito bilang isang pagsubok na nagmula sa Diyos. Kapag nahaharap ka sa bagay na ito, dapat may pamantayan ka, dapat mong isipin na nagmula ito sa Diyos. Dapat mong isipin kung paano mo pakikitunguhan ang bagay na ito para matupad mo ang iyong tungkulin, at maging tapat sa Diyos; kung paano itong gawin na hindi gagalitin ang Diyos, o magkasala sa Kanyang disposisyon. Katatalakay lang natin ang tungkol sa pag-iingat sa mga handog. Ang bagay na ito ay nauugnay sa mga handog, at nauugnay din ito sa iyong tungkulin, ang iyong pananagutan. May pananagutan ka sa tungkulin na ito. Ngunit kapag nahaharap ka sa bagay na ito, mayroon bang anumang tukso? Mayroon! Saan nanggagaling ang tukso na ito? Nanggagaling ang tukso na ito kay Satanas, at nagmumula rin ito sa masama, tiwaling disposisyon ng tao. Dahil may tukso, nauugnay dito ang nagsisilbing patotoo; tungkulin at responsibilidad mo rin ang nagsisilbing patotoo. Sabi ng ilang mga tao: “Maliit na bagay lamang ito; kailangan ba talagang palakihin ito?” Oo kailangan! Dahil upang makalakad sa landas ng Diyos, hindi natin maaaring pabayaan ang anumang bagay para masunod ang ating sarili, o anumang bagay na nangyayari sa ating paligid, kahit ang mga maliliit na bagay. Isipin man nating dapat bigyang-pansin ito o hindi, hangga’t nahaharap sa atin ang anumang bagay, hindi natin dapat isawalang-bahala ang mga ito. Dapat nating tingnan ang lahat ng mga ito bilang pagsubok ng Diyos sa atin. Ano sa tingin mo ang ganitong uri ng saloobin? Kung nasa iyo ang ganitong uri ng saloobin, pinatutunayan nito ang isang katotohanan: May takot ang iyong puso sa Diyos, at handang umiwas ang iyong puso sa kasamaan. Kung may pagnanais kang bigyang kasiyahan ang Diyos, kung gayon, hindi malayo ang isinasagawa mo sa pamantayan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Madalas mayroong mga taong naniniwala na ang mga bagay na hindi masyadong pinapansin ng mga tao, ang mga bagay na hindi karaniwang binabanggit—maliit lamang ang halaga ng mga bagay na ito, at wala silang balak isagawa ang katotohanan. Kapag nahaharap ang mga tao sa ganitong bagay, hindi nila ito pinapansin at pinababayaan lamang. Ngunit sa aktuwal na katotohanan, ang bagay na ito ay isang aral na dapat mong pag-aaralan, isang aralin tungkol sa kung paano matakot sa Diyos, sa kung paano umiwas sa kasamaan. Bukod dito, ang dapat mo pang alalahanin ay ang pag-alam sa ginagawa ng Diyos kapag dumating ang bagay na ito sa harapan mo. Nasa tabi mo lang ang Diyos, inoobserbahan Niya ang bawat salita at kilos mo, inoobserbahan ang mga gawa mo, ang pagbabago ng isip mo—gawa ito ng Diyos. Sabi ng ilang mga tao: “Ngunit bakit hindi ko nararamdaman ito?” Hindi mo nadadama dahil hindi ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ang pinakamahalagang landas na sinusundan mo. Kaya, hindi mo nararamdaman ang banayad na gawain ng Diyos sa tao, na mismong naihahayag ayon sa iba’t ibang mga saloobin at mga pagkilos ng tao. Isa kang hangal! Alin ang malaking bagay? Alin ang maliit na bagay? Ang lahat ng mga bagay na nauugnay sa paglakad sa landas ng Diyos ay hindi nahahati sa malaki o maliit. Matatanggap ninyo ba iyon? (Matatanggap namin ito.) Sa mga tuntunin ng pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na ibinibilang ng mga tao na napakalaki at makabuluhan, at ibang tiningnan nila bilang maliliit na mga bagay-bagay. Madalas na tinitingnan ng mga tao ang malalaking bagay bilang napakahalaga sa buhay, at ibinibilang nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunpaman, sa paggawa sa kabuuan ng mga malalaking bagay na ito, dahil sa musmos na tayog ng tao, at dahil sa mahinang kalibre ng tao, madalas ang tao na hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos, hindi siya makakuha ng anumang mga pagbubunyag, at hindi makakuha ng anumang aktuwal na kaalaman na may kahalagahan. Kung tungkol sa mga maliliit na bagay, hindi lang pinapansin ng tao ang mga ito, unti-unting napababayaan. Kaya, nawala nila ang maraming pagkakataon upang masiyasat sa harapan ng Diyos, para masubok Niya. Kung lagi mong ipagsasawalang-bahala ang mga tao, mga bagay, at mga usapin at mga pagkakataon na itinakda ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito na sa bawat araw, kahit na ang bawat sandali, palagi mong tinatalikdan ang pagperpekto ng Diyos sa iyo, at pati na ang pamumuno ng Diyos. Sa tuwing nagtatakda ang Diyos ng isang pagkakataon para sa iyo, palihim Siyang tumitingin, tumitingin Siya sa iyong puso, tinitingnan Niya ang iyong mga saloobin at mga pagsasaalang-alang, tinitingnan Niya kung paano ka mag-isip, at kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang tao na hindi kailanman naging seryoso sa landas ng Diyos, sa salita ng Diyos, o sa katotohanan—hindi ka rin magiging maingat, hindi mo bibigyan ng pansin ang mga bagay na nais ng Diyos na maganap, at ang mga bagay na hihingin ng Diyos sa iyo kapag Siya ay magtatakda ng kaganapan na para sa iyo. Hindi mo rin alam kung paano nauugnay ang mga tao, mga bagay at mga usaping nakakatagpo mo sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang mga paulit-ulit na mga pangyayari at pagsubok na tulad nito, paano magpapatuloy ang Diyos kung wala naman Siyang nakikita na anumang mga nagawa sa ilalim ng iyong pangalan? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo pinupuri ang Diyos sa iyong puso, at ang mga pangyayaring itinakda ng Diyos para sa iyo ay hindi mo siniseryoso—bilang mga pagsubok o pagsusuri ng Diyos. Sa halip sunud-sunod mong tinatanggihan ang mga pagkakataon na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at paulit-ulit mo silang hinahayaang lumipas. Hindi ba malaking pagsuway ito ng tao? (Oo.) Hindi ba malulungkot ang Diyos dahil dito? (Oo.) Hindi malulungkot ang Diyos! Ang marinig Akong mangusap nang tulad nito ay muling nakagulat sa inyo. Gayon pa man, hindi ba nabanggit kanina na laging nalulungkot ang Diyos? Hindi malulungkot ang Diyos? Kailan malulungkot ang Diyos kung gayon? Tutal, hindi naman nalulungkot ang Diyos sa ganitong sitwasyon. Ano ngayon ang saloobin ng Diyos sa uri ng pag-uugali na nabanggit sa itaas? Kapag tinanggihan ng mga tao ang mga pagsubok, mga pagsusuri, na ipinadadala sa kanila ng Diyos, kapag naging pabaya sila sa mga ito, iisa lamang ang saloobin ng Diyos para sa mga taong ito. Anong saloobin ito? Kinasusuklaman ng Diyos ang ganitong uri ng tao mula sa kaibuturan ng Kanyang puso. May dalawang antas ng kahulugan para sa salitang “kinasusuklaman.” Paano Ko ipaliliwanag ang mga ito? Sa totoo lang, nagdadala ang salita ng kahulugan ng pagkamuhi, ng poot. At tungkol sa pangalawang antas ng kahulugan? Iyan ang bahagi na nagpapahiwatig ng pagsuko sa isang bagay. Alam ninyong lahat ang kahulugan ng “pagsuko”, tama ba? Sa madaling sabi, ang kahulugan ng pagkasuklam ay ang pinakamatinding reaksyon at saloobin ng Diyos sa mga tao na kumikilos sa ganitong paraan. Ito ang pinakamatinding galit Niya sa kanila, pagkasuklam, at ang desisyon na pag-abandona sa mga ito. Ito ang pangwakas na desisyon ng Diyos sa isang tao na hindi kailanman lumakad sa landas ng Diyos, na hindi kailanman natakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Nakikita na ba ninyong lahat ang kahalagahan ng kasabihang tinalakay Ko?

Naiintindihan niyo na ba ang paraan ng Diyos sa pagtatatag ng kalalabasan ng tao? (Pagtatalaga ng iba’t ibang mga pangyayari sa araw-araw.) Pagtatalaga ng iba’t ibang pangyayari—ito ang nararamdaman at nararanasan ng mga tao. Ano ang motibo ng Diyos para dito? Ang motibo ay nais ng Diyos na bigyan ang bawat tao ng mga pagsubok sa iba’t ibang paraan, sa iba’t ibang panahon, at sa iba’t ibang lugar. Anong mga aspeto ng tao ang masusubok sa isang pagsubok? Isa ka mang uri o hindi ng tao na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan sa bawat bagay na hinaharap, naririnig, nakikita, at personal mong nararanasan. Ang bawat tao ay haharap sa ganitong uri ng pagsubok, sapagkat makatarungan ang Diyos sa lahat ng tao. Sabi ng ilang mga tao: “Nanampalataya ako sa Diyos sa maraming taon; bakit hindi ako naharap sa kahit isang pagsubok?” Sa tingin mo hindi ka pa nahaharap sa isang pagsubok dahil kapag nagtatakda ang Diyos ng mga pangyayari para sa iyo, hindi mo ito sineseryoso, at ayaw mong lumakad sa landas ng Diyos. Kaya wala kang naramdaman na kahit anong pagsubok ng Diyos. Sabi ng ilang mga tao: “Naharap ako sa ilang mga pagsubok, ngunit hindi ko alam ang tamang paraan ng pagsasagawa. Kahit na nagsagawa ako, hindi ko pa rin alam kung tumayo ba ako ng panatag sa panahon ng pagsubok.” Tiyak na hindi sa minorya ang mga taong may ganitong uri ng sitwasyon. Kaya ano ang pamantayan na panukat ng Diyos sa mga tao? Katulad ng sinabi Ko kanina: Ang lahat ng mga gagawin mo, lahat ng mga bagay na iniisip mo, at lahat ng mga bagay na ipinahahayag mo—ito ba ay pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Ito ang paraan kung paano matutukoy kung ikaw ay isang tao na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi. Simpleng konsepto ba ito? Napakadali itong sabihin, ngunit madali ba itong isagawa? (Hindi masyadong madali.) Bakit hindi masyadong madali? (Dahil hindi kilala ng mga tao ang Diyos, hindi nila alam kung paano pineperpekto ng Diyos ang tao, kaya kapag nahaharap sila sa mga bagay na hindi nila alam kung paano humanap ng katotohanan upang malutas ang kanilang mga problema; kailangan dumaan ang mga tao sa iba’t ibang mga pagsubok, mga kapinuhan, pagkastigo, at mga paghatol, bago sila magkaroon ng totoong takot sa Diyos.) Itinuturing ninyong ganyan, ngunit sa pananaw ninyo, tila madaling gawin ngayon ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil nakinig kayo sa napakaraming sermon, at hindi kakaunti ang natanggap niyong pagdidilig ng realidad ng katotohanan. Ito ang nagbigay-daan sa inyo upang maunawaan kung paano ang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan sa mga tuntunin ng teyorya at pag-iisip. Sa pagsasaalang-alang sa pagsasagawa ninyo sa pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, nakatutulong ang lahat ng mga ito at pakiramdam ninyo na madali ninyong matamo ang bagay na ito. Ngunit bakit hindi ito makamit ng mga tao sa aktuwal na katotohanan? Dahil ang pinakadiwa ng tao ay hindi takot sa Diyos, at gusto nito ang kasamaan. Iyan ang tunay na dahilan.

Ang Hindi Matakot sa Diyos at Iwasan ang Kasamaan ay Pagtutol sa Diyos

Simulan natin sa pamamagitan ng pagtalakay sa pinanggalingan ng kasabihan na ito, “matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan”. (Ang Aklat ni Job.) Ngayon na binanggit ninyo si Job, tatalakayin natin siya. Noong panahon ni Job, gumagawa ba ang Diyos na para sa paglupig at kaligtasan ng tao? Hindi, gumawa ba? Kung tungkol kay Job, gaano karami ang kaalaman niya tungkol sa Diyos sa panahon na iyan? (Kaunting kaalaman lang.) At paano ihahambing ang kaalaman na yan tungkol sa Diyos kumpara sa kaalaman ninyo ngayon? Bakit wala kayong lakas ng loob na sagutin ito? Ang kaalaman ba ni Job ay mas marami o mas kaunti kaysa sa kaalaman na mayroon kayo ngayon? (Mas kaunti.) Ito ay isang tanong na napakadaling sagutin. Mas kaunti! Ito ay tiyak! Kayo ay nakaharap na sa Diyos, at nakaharap sa salita ng Diyos. Ang kaalaman ninyo tungkol sa Diyos ay higit sa kaalaman ni Job. Bakit Ko sinasabi ito? Bakit ganito ang pananalita Ko? Gusto Kong ipaliwanag ang isang katotohanan sa inyo, ngunit bago Ko gawin, gusto Ko munang magtanong sa inyo: Napakaliit ang alam ni Job tungkol sa Diyos, ngunit kaya niyang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Bakit kaya nabibigo ngayon ang mga tao na gawin ito? (Malalim na katiwalian.) Malalim na katiwalian—iyan ang pinalilitaw ng tanong, ngunit hindi ganito ang pananaw Ko dito. Madalas na kinukuha ninyo ang mga doktrina at mga liham na karaniwan ninyong nasasambit, tulad ng “malalim na katiwalian,” “pagrerebelde laban sa Diyos,” “pagtataksil sa Diyos,” “pagsuway,” “hindi paggusto sa katotohanan,” at ginagamit ninyo ang mga pariralang ito upang ipaliwanag ang diwa ng bawat katanungan. May depekto itong paraan ng pagsasagawa. Ang paggamit sa mga sagot na ito upang ipaliwanag ang mga tanong sa magkakaibang kalikasan ay tiyak na magdudulot ng pahiwatig ng paglapastangan sa katotohanan at sa Diyos. Ayaw kong marinig itong uri ng sagot. Pag-isipan mo ito! Wala sa inyo ang nakaisip tungkol sa bagay na ito, ngunit nakikita Ko at nararamdaman Ko ito sa bawat araw. Kaya, ginagawa ninyo ito, at nakikita Ko. Kapag ginagawa ninyo ito, hindi ninyo nararamdaman ang diwa ng bagay na ito. Ngunit kapag nakita Ko ito, nakikita at nararamdaman Ko ang kanyang diwa. Kaya ano ang diwa na ito? Bakit ang mga tao ngayon ay hindi magawang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan? Ang mga sagot ninyo ay napakalayo upang ipaliwanag ang diwa ng tanong na ito, at hindi nila kayang lutasin ang diwa ng tanong na ito. Ito ay dahil may isang pinagmulan dito na hindi ninyo alam. Ano ang pinagmulan na ito? Alam Kong gusto ninyong marinig ang tungkol dito, kaya sasabihin Ko sa inyo ang tungkol sa pinagmulan ng tanong na ito.

Sa pinakasimula ng gawa ng Diyos, paano ang pagturing Niya sa tao? Iniligtas ng Diyos ang tao; Nilingap Niya ang tao bilang isang miyembro ng Kanyang pamilya, bilang sentro ng Kanyang gawa, ang gusto Niyang lupigin, upang iligtas, at ang nais Niyang gawing perpekto. Ito ang saloobin ng Diyos sa tao sa pasimula ng Kanyang gawain. Ngunit ano ang saloobin ng tao sa Diyos sa panahon na iyon? Ang Diyos ay kakaiba sa tao, at itinuturing ng tao ang Diyos bilang isang estranghero. Maaaring sabihin na hindi tama ang saloobin ng tao sa Diyos, at hindi malinaw sa tao kung paano niya pakikitunguhan ang Diyos. Kaya itinuring niya ang Diyos sa anumang nagustuhan niyang pagtrato, at ginawa niya ang anumang gusto niya. May pananaw ba ang tao tungkol sa Diyos? Sa simula, walang kahit anong pananaw sa Diyos ang tao. Ang tinaguriang pananaw ng tao ay pawang mga pagkaintindi at mga imahinasyon tungkol sa Diyos. Tinanggap ang bagay na umayon sa mga pagkaintindi ng mga tao; ang hindi umayon ay sinunod nang pakunwari, ngunit nilabanan at sinagupa ng mga tao sa kanilang mga puso. Ito ang relasyon ng tao at ng Diyos sa simula: Itinuring ng Diyos ang tao bilang isang miyembro ng pamilya, ngunit itinuring ng tao ang Diyos bilang isang estranghero. Ngunit pagkatapos ng ilang panahon na paggawa ng Diyos, naunawaan ng tao ang sinusubukang makamit ng Diyos. Naunawaan ng mga tao na ang Diyos ay ang tunay na Diyos, at nalaman nila na maaari silang humingi sa Diyos. Ano na ang pagtrato ng tao sa Diyos sa panahong ito? Itinuturing ng tao ang Diyos bilang isang daluyan ng buhay, umaasa siyang makakuha ng biyaya, makakuha ng mga pagpapala, makakuha ng mga pangako. At ano ang pagtuturing ng Diyos sa tao sa sandaling ito? Itinuturing ng Diyos ang tao bilang layon ng Kanyang paglupig. Nais ng Diyos na gumamit ng mga salita upang hatulan ang tao, upang masiyasat ang tao, upang mabigyan ang tao ng mga pagsubok. Ngunit para sa tao sa puntong ito, ang Diyos ay isang bagay na maaari niyang gamitin upang makamit ang sarili niyang mga layunin. Nakita ng mga tao na maaari silang lupigin at iligtas ng katotohanan na ibinibigay ng Diyos sa kanila, at nagkaroon sila ng isang pagkakataon upang makamit ang mga bagay na ninanais nila mula sa Diyos, ang hantungan na nais nila. Dahil dito, nabuo ang isang maliit na katapatan sa kanilang mga puso, at handa silang sundin ang Diyos na ito. Pagkalipas ng ilang panahon, nagkaroon ang mga tao ng ilang mababaw at dogmatikong kaalaman tungkol sa Diyos. Maaaring sabihin na nagiging mas “pamilyar” sila sa Diyos. Sa pamamagitan ng mga salitang ipinahayag ng Diyos, ng Kanyang pangangaral, ang katotohanan na Kanyang ibinigay, at ang Kanyang gawa—ang mga tao ay higit pang naging “pamilyar.” Kaya, nagkamali ang mga tao sa pag-aakala nilang hindi na kakaiba ang Diyos, at naglalakad na sila sa landas ng pagiging katanggap-tanggap sa Diyos. Hanggang ngayon, nakikinig ang mga tao sa napakaraming mga sermon tungkol sa katotohanan, at nakaranas sila ng maraming mga gawain ng Diyos. Ngunit dahil sa mga panghihimasok at mga paghahadlang ng iba’t ibang mga kadahilanan at mga pangyayari, hindi naisasagawa ng karamihan sa mga tao ang katotohanan, at hindi nila nabibigyan-kasiyahan ang Diyos. Palala nang palala ang pagiging pabaya ng mga tao, palala nang palala ang kakulangan nila ng pananalig. Lumalala ang pakiramdam nilang walang kasiguruhan ang kanilang kalalabasan. Wala silang lakas ng loob na mag-isip ng magarang mga ideya, at wala silang hangad na kamtin ang anumang mga pag-unlad; nag-aatubili lamang silang sumusunod, pasulong nang paisa-isang hakbang. Patungkol sa kasalukuyang kalagayan ng tao, ano ang saloobin ng Diyos sa tao? Ang tanging nais ng Diyos ay ang ibigay ang mga katotohanang ito sa tao, at puspusin sila ng Kanyang paraan, at pagkatapos ay maglaan ng iba’t ibang mga pangyayari upang subukan ang tao sa iba’t ibang paraan. Ang layunin Niya ay ang gamitin ang mga salitang ito, ang mga katotohanang ito, at ang Kanyang gawain, upang magdulot ng isang kalalabasan kung saan ang tao ay maaaring matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Karamihan sa mga taong nakita Ko ay itinuturing lang ang salita ng Diyos bilang mga doktrina, itinuturing ito bilang mga liham, bilang mga regulasyon na kailangang sundin. Kapag nahaharap sila sa mga bagay at nagsasalita, o nahaharap sa mga pagsubok, hindi nila iginagalang ang daan ng Diyos bilang daan na dapat sundan. Lalo itong totoo kapag nahaharap ang mga tao sa malalaking pagsubok; wala pa Akong nakikitang sinuman na lumakad sa direksyon ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Dahil dito, ang saloobin ng Diyos sa tao ay puno ng matinding pagkamuhi at pag-ayaw. Pagkatapos nang paulit-ulit na pagbibigay ng Diyos ng mga pagsubok sa mga tao, kahit na daan-daang beses, wala pa rin silang anumang malinaw na saloobin upang ipakita ang kanilang pagpupunyagi—gusto kong matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan! Dahil wala sa mga tao ang pagpupunyaging ito, at hindi nila ipinakikita ito, hindi na katulad ng nakaraan ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa kanila, kapag pinalalawig Niya ang Kanyang awa, kapag pinalalawig Niya ang Kanyang pagtitimpi, kapag pinalalawig Niya ang Kanyang pagtitimpi at pagtitiis. Sa halip, lubos ang pagkabigo Niya sa tao. Sino ang sanhi ng pagkabigong ito? Ang uri ng saloobin ng Diyos sa tao, kanino kaya nakasalalay ito? Nakasalalay ito sa bawat tao na sumusunod sa Diyos. Sa maraming taon nang Kanyang paggawa, marami ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at maraming mga pangyayari ang itinakda Niya para sa tao. Ngunit gaano man kahusay gumanap ang tao, at anuman ang saloobin ng tao sa Diyos, hindi maisagawa ng tao nang malinaw na alinsunod sa layunin na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Kaya, ibubuod Ko ito sa isang kasabihan, at gagamitin Ko ang kasabihan na ito para ipaliwanag ang lahat ng mga tinalakay natin tungkol sa kung bakit hindi nakalalakad ang mga tao sa landas ng Diyos—matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Ano ang kasabihan na ito? Ang kasabihang ito ay: Itinuturing ng Diyos ang tao bilang layon ng Kanyang kaligtasan, ang layon ng Kanyang gawain; itinuturing ng tao ang Diyos bilang kanyang kaaway, bilang kabaliktaran niya. Malinaw na ba ang bagay na ito sa iyo ngayon? Ano ang saloobin ng tao; ano ang saloobin ng Diyos; ano ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos—ang lahat ng ito ay napakalinaw. Gaano man karami ang mga sermon na inyong pinakinggan, ang mga bagay na inyong binuod para sa inyong mga sarili—tulad ng pagiging tapat sa Diyos, pagsunod sa Diyos, paghahanap ng paraan para maging katanggap-tanggap sa Diyos, pagnanais na gugulin ang habambuhay para sa Diyos, pamumuhay para sa Diyos—para sa Akin ang mga bagay na ito ay hindi may-kamalayang paglakad sa landas ng Diyos, na pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Sa halip, ang mga ito ay landas kung saan makakamit ninyo ang tiyak na mga layunin. Upang makamit ang mga layuning ito, may pag-aatubili kayong sumunod sa ilang mga regulasyon. At tiyak na ang mga regulasyon na ito ang nagdudulot sa mga tao upang mas lalong lumayo sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at minsan pang naglalagay sa Diyos bilang kasalungat ng tao.

Medyo mabigat ang katanungan na tinatalakay natin ngayon, ngunit kahit ano pa man, umaasa pa rin Ako na kapag dadaan na kayo sa mga karanasan na darating, at sa mga panahong darating, maaari ninyong gawin ang bagay na kasasabi Ko lang. Huwag ninyong ipagwalang-bahala ang Diyos at huwag niyo Siyang ituring na parang walang halaga, pakiramdam ay umiiral Siya sa mga panahon na kailangan Siya, ngunit pakiramdam ay hindi umiiral kapag walang kailangan sa Kanya. Kapag wala kang kamalay-malay na ganito ang uri ng pag-unawa mo, ginalit mo na ang Diyos. Marahil, may ilang mga taong nagsasabi: “Hindi ko itinuturing ang Diyos na parang walang halaga, palagi akong nananalangin sa Diyos, palagi ko Siyang binibigyang-kasiyahan, at ang lahat ng mga ginagawa ko ay nasa saklaw at mga pamantayan ng mga prinsipyo na hinihingi ng Diyos. Tiyak akong hindi ako lumalakad ayon sa sarili kong mga ideya.” Oo, ang paraan ng paggawa mo sa mga bagay-bagay ay tama. Ngunit ano sa tingin mo kapag naharap ka sa isang bagay? Paano ang iyong pagsasagawa kapag nahaharap ka sa isang bagay? Sa pakiramdam ng ilang mga tao umiiral ang Diyos kapag nananalangin at umaapila sila sa Kanya. Ngunit kapag nahaharap sa isang bagay, bumubuo sila ng sariling mga ideya at nais nilang sumunod sa mga ito. Ito ay pagturing sa Diyos na parang walang halaga. Ang ganitong uri ng sitwasyon ay pagturing sa Diyos bilang di-umiiral. Sa tingin ng mga tao dapat iiral ang Diyos kapag kailangan nila Siya, at huwag umiral kapag hindi nila Siya kailangan. Akala ng mga tao'y sapat na ang pagsasagawa ng sarili nilang mga ideya. Naniniwala silang maaari nilang gawin ang mga bagay sa kahit anong paraan na gusto nila. Naniniwala silang hindi nila kailangan hanapin ang landas ng Diyos. Kasalukuyang nasa ganitong kalagayan ang mga tao, sa uri ng kalagayan na ito—hindi ba sila nasa bingit ng panganib? Sabi ng ilang mga tao: “Hindi alintana kung ako man ay nasa bingit ng panganib o hindi, sumampalataya ako sa loob ng maraming taon, at naniniwala akong hindi ako iiwan ng Diyos dahil hindi Niya kayang iwanan ako.” Sinasabi ng ilang mga tao: “Mula sa panahon na nasa sinapupunan pa lang ako ng aking ina, naniniwala na ako sa Panginoon, mula noon hanggang ngayon, mga apatnapu o limampung taon sa kabuuan. Kung sa tuntunin ng panahon, ako na ang pinakakwalipikadong ililigtas ng Diyos; Ako ang pinakakwalipikadong maligtas. Sa loob ng panahong apat o limang dekada, inabandona ko ang aking pamilya at ang aking trabaho. Tinalikdan ko ang lahat na mayroon ako, tulad ng pera, katayuan, kasiyahan at oras para sa pamilya; hindi ako kumain ng maraming masasarap na pagkain; hindi ko tinangkilik ang maraming nakaaaliw na mga bagay; hindi ko pinasyalan ang maraming mga kagiliw-giliw na mga lugar; naranasan ko pa ang paghihirap na hindi kayang tiisin ng mga ordinaryong tao. Kung hindi ako ililigtas ng Diyos sa kabila ng lahat ng mga ito, ibig sabihin ay tinatrato ako nang hindi makatarungan at hindi ako maniniwala sa ganitong uri ng Diyos.” Marami bang mga tao ang may ganitong uri ng pananaw? (Napakarami nila.) Tutulungan Ko kayo ngayon na maunawaan ang isang katotohanan: Binabaril ng bawat taong may ganitong uri ng pananaw ang sarili nilang mga paa. Dahil ginagamit nila ang sarili nilang mga imahinasyon upang takpan ang kanilang mga mata. Ito mismong kanilang mga imahinasyon, at ang sarili nilang mga konklusyon ang pumapalit sa pamantayan sa kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, ang pumipigil sa kanila upang tanggapin ang tunay na mga layunin ng Diyos, na ginagawa nila upang hindi nila maramdaman ang tunay na pag-iral ng Diyos, at dahilan para mawala nila ang pagkakataong gawing perpekto ng Diyos at mawalan ng lugar o bahagi sa pangako ng Diyos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

"Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao" | Sipi 14

Ang bawa’t yugto ng gawain ng Banal na Espiritu ay kasabay na nangangailangan ng patotoo ng tao. Ang bawa’t yugto ng gawain ay isang p...