Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na nailalapat lamang sa iisang kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mabuti. Sa paraang ito, paano maaalis ng Banal na Espiritu ang tao?
Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi nahinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman natigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging maraming ginagawa, at hindi kailanman tumitigil. Nguni’t iba ang tao: Dahil nagkamit lamang ng maliit na gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; dahil nagkamit lamang ng maliit na kaalaman, hindi na siya nagpapatuloy sa pagsunod sa mga yapak ng mas bagong gawain ng Diyos; dahil nakakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad na niyang itinuturing na kahoy na imahen ang Diyos, at naniniwala na palaging mananatili ang Diyos sa ganoong anyo na nakikita sa harap niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; dahil nagkamit lamang ng mababaw na kaalaman, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang ipahayag ang disposisyon at kung ano ang Diyos na hindi talaga umiiral; at yamang natitiyak ang tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpapahayag ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga ito ay mga taong hindi matatanggap ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay naniniwala sa Diyos nguni’t tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “maniwala lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” nguni’t karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “naniniwala lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Tagapagligtas, nguni’t tinututulan ang Tagapagligtas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng sakop ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tinatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagka-mapanghimagsik ng tao? … Kahit na sila ay mayroong “lubos na katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakakadiri pa rin dahil kanilang tinututulan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at masama. Yaong mga hindi sumusunod hanggang sa katapus-katapusan, na hindi sumasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at kumakapit lamang sa mga lumang gawain ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, nguni’t sa kabaligtaran, naging yaong mga sumasalungat sa Diyos, naging yaong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at siyang mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila?
—mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kung palagi Akong tinatawag ng tao na Jesucristo, nguni’t hindi nalalaman na nasimulan Ko na ang isang bagong kapanahunan sa mga huling araw at nakapagsimula na sa bagong gawain, at kung palaging gumugulo sa alaala ng tao ang paghihintay sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas, kung gayon tatawagin Ko ang mga ganitong tao bilang silang mga hindi naniniwala sa Akin. Sila ay mga taong hindi nakakakilala sa Akin, at ang kanilang paniniwala sa Akin ay isang pagkukunwari. Masasaksihan kaya ng mga taong ganoon ang pagdating ni Jesus na Tagapagligtas mula sa langit? Ang kanilang hinihintay ay hindi ang Aking pagdating, kundi ang pagdating ng Hari ng mga Judio. Hindi nila pinananabikan ang Aking paglipol sa maruming lumang mundong ito, bagkus ay nananabik sa ikalawang pagdating ni Jesus, kung kailan sila ay matutubos; inaasahan nila si Jesus na muling tutubusin ang buong sangkatauhan mula rito sa nadungisan at di-matuwid na lupain. Paanong ang mga ganoong tao ay magiging yaong tumatapos ng Aking gawain sa mga huling araw? Ang mga pagnanasa ng tao ay walang kakayahan na kamtin ang Aking mga inaasam o tuparin ang Aking gawain, pagka’t hinahangaan o pinapahalagahan lamang ng tao ang gawaing nagawa Ko na dati, at walang ideya na Ako ang Diyos Mismo na palaging bago at hindi kailanman luma. Alam lamang ng tao na Ako si Jehova, at Jesus, at walang hiwatig na Ako ang Huli, ang Siyang magdadala sa sangkatauhan sa katapusan. Lahat nang pinananabikan at nalalaman ng tao ay mula sa kanyang sariling pagkaintindi, at tanging yaon na nakikita niya ng kanyang sariling mga mata. Hindi ito ayon sa gawaing ginagawa Ko, kundi hindi-kaisa nito.
—mula sa “Ang Tagapagligtas ay Nakabalik na sa Ibabaw ng ‘Puting Ulap’” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kung ginagamit ninyo ang mga sarili ninyong pagkaintindi upang sukatin at limitahan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, at kung ganap na nililimitahan ninyo ang Diyos sa loob ng Biblia at inilalagay Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na hinatulan na ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, itinuring ng mga Judio sa kapanahunan ng Lumang Tipan ang Diyos bilang isang idolo na hindi nagbabago ang anyo, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba ng sangkatauhan ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, hinahatulan Siya ng kamatayan—ang walang-kasalanang Jesus ay sa gayon hinatulan ng kamatayan. Walang nagawang krimen ang Diyos, nguni’t tumanggi ang tao na patawarin Siya, at nagpumilit na hatulan Siya ng kamatayan, at sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at binibigyang-kahulugan Siya base lamang sa iisang aklat, ang Biblia, na para bang lubusan nang naarok ng tao ang pamamahala ng Diyos, na para bang ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay na ng tao. Ang mga tao ay talaga namang katawa-tawa, sukdulan ang pagmamataas, at lahat sila ay mahilig sa eksaherasyon. Gaano man kadakila ang kaalaman mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, na ikaw ay isa na pinakatumututol sa Diyos, at na hinatulan mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang sundin ang gawain ng Diyos at lumakad sa landas ng pagiging ginagawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Sapagka’t hindi kilala ng tao ang Diyos, sapagka’t masyado siyang maraming mga pagkaintindi, at sapagka’t ang kanyang kaalaman sa Diyos ay hindi tumutugma ni katiting sa realidad, nguni’t sa halip ay inuulit-ulit lang ang parehong tema nang walang pagbabago at ginagamit ang parehong paraan sa bawat sitwasyon. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang ipinako ng tao sa krus.
—mula sa “Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Gusto ba ninyong malaman ang ugat kung bakit kinalaban ng mga Fariseo si Jesus? Gusto ba ninyong malaman ang diwa ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinanap ang katotohanan ng buhay. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman, at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagkamali silang magbigay ng walang-saysay na parangal sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa anumang paraan. Ang diwa ng mga Fariseong ito ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng pananalig nila sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang mga pananaw na ito? Tatanungin Ko kayong muli: Hindi ba napakadali ninyong magawa ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, yamang wala kayong kahit katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang makilala ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo kakalabanin si Cristo? Kaya mo bang sumunod sa gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung kakalabanin mo si Cristo, sinasabi Ko na nasa bingit na ng kamatayan ang buhay mo. Yaong lahat na hindi nakakilala sa Mesiyas ay kayang kalabanin si Jesus, tanggihan si Jesus, siraan Siya ng puri. Ang mga taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kayang lahat na itatwa Siya, at laitin Siya. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at maraming tao ang huhusga kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagkawasak sa mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at paghamak sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang mapapala ninyo kay Jesus kung litung-lito kayo? Paano ninyo mauunawaan ang gawain ni Jesus kapag bumabalik Siya sa katawang-tao sa ibabaw ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag kilalanin ang inyong mga pagkakamali? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap ng katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sa ibabaw ng puting mga ulap, ay tiyak na lalapastangan sa Banal na Espiritu, at sila ang kategoryang wawasakin. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at gusto lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa naman ninyo nasunod kailanman ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo natanggap kailanman ang katotohanang ipinahayag ni Jesus kapag bumabalik Siya sa katawang-tao. Ano ang panghahawakan ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbabalik ni Jesus na nasa ibabaw ng puting ulap? Ang kataimtiman ba ninyo sa paulit-ulit na paggawa ng mga kasalanan, at pagkatapos ay pangungumpisal ng mga iyon, nang paulit-ulit? Ano ang iaalay ninyong sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sa ibabaw ng puting ulap? Ang mga taon ba ng paggawa na nagpapadakila sa inyong sarili? Ano ang panghahawakan ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang likas na kayabangan, na hindi sumusunod sa anumang katotohanan?
—mula sa “Mamamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus Kapag Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento