Sa simula, nang hindi pa nasisimulan ni Jesus ang pagsasagawa ng Kanyang ministeryo, katulad ng mga disipulong sumunod sa kanya, minsan ay dumalo rin Siya sa mga pagtitipon, at umawit ng mga himno, nagbigay ng papuri, at binasa ang Lumang Tipan sa templo. Matapos Niyang mabautismuhan at umahon, ang Espiritu ay opisyal na bumaba sa Kanya at nagsimulang gumawa, ibinubunyag ang Kanyang pagkakakilanlan at ang ministeryo na isasagawa Niya. Bago ito, walang nakakaalam sa Kanyang pagkakakilanlan, at maliban kay Maria, maging si Juan ay hindi rin ito alam. Si Jesus ay 29 nang Siya ay sumailalim sa bautismo. Nang matapos ang Kanyang bautismo, nagbukas ang kalangitan, at isang tinig ang nagsabi: “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.”
Nang nabautismuhan si Jesus, nagsimulang magpatotoo ang Banal na Espiritu sa Kanya sa ganitong paraan. Bago Siya sumailalim sa bautismo sa gulang na 29, namuhay Siya na parang isang karaniwang tao, kinakain kung ano ang dapat Niyang kainin, normal na natutulog at nagbibihis, at walang anuman sa Kanya ang iba mula sa ibang tao. Syempre, ito ay para lang sa mga makalamang paningin ng tao. Minsan Siya ay mahina rin, at minsan ay hindi rin Niya mabatid ang mga bagay, katulad ng nakasulat sa Biblia: “Ang Kanyang katalinuhan ay lumawig kasabay ng Kanyang edad.” Ang mga salitang ito ay nagpapakita lamang na nagkaroon Siya ng karaniwan at normal na pagkatao, at hindi bukod-tanging naiiba mula sa ibang karaniwang tao. Siya ay lumaki rin bilang isang karaniwang tao, at walang natatangi sa Kanya. Ngunit Siya ay nasa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos. Nang Siya ay mabautismuhan, nagsimula Siyang matukso, pagkatapos ay sinimulan Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo at gumawa, at nagtaglay ng kapangyarihan, at karunungan, at awtoridad. Hindi ito nangangahulugang hindi kumilos sa Kanya ang Banal na Espiritu, o wala sa Kanya bago ang Kanyang bautismo. Bago ang Kanyang bautismo, ang Banal na Espiritu ay nanahan sa Kanya ngunit hindi opisyal na sinimulan ang gawain, dahil may mga limitasyon kung kailan ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at bukod dito, ang mga karaniwang tao ay may karaniwang paraan ng paglaki. Ang Banal na Espiritu ay palaging nananahan sa Kanya. Nang isinilang si Jesus, Siya ay kakaiba mula sa lahat, at lumabas ang isang tala sa umaga; bago Siya isilang, nagpakita ang isang anghel kay Jose sa isang panaginip at nagsabi na si Maria ay manganganak ng isang sanggol na lalaki, at ang sanggol na iyon ay ipinaglihi sa Banal na Espiritu. Kaya hindi iyon pagkatapos na pagkatapos ng pagbautismo kay Jesus, kung saan din opisyal na nagsimula ang Banal na Espiritu sa Kanyang gawain, na ang Banal na Espiritu ay bumaba sa Kanya. Ang kasabihan na ang Banal na Espiritu ay bumaba sa Kanya na parang isang kalapati ay tumutukoy sa opisyal na pagsisimula ng Kanyang ministeryo. Ang Espiritu ng Diyos ay nananahan na sa Kanya noon pa man, ngunit hindi Siya nagsimulang gumawa, dahil hindi pa dumarating ang tamang panahon, at ang Banal na Espiritu ay hindi nagsimula ng gawain nang padalos-dalos. Ang Banal na Espiritu ay nagpatotoo sa Kanya sa pamamagitan ng bautismo. Nang Siya ay umahon mula sa tubig, opisyal na nagsimulang kumilos ang Banal na Espiritu sa Kanya, na nagpahiwatig na ang katawan ng Diyos na naging-tao ay nagsimulang isakatuparan ang Kanyang ministeryo, at nasimulan ang gawain ng pagtubos, iyon ay, ang Kapanahunan ng Biyaya ay opisyal na nagsimula. Kaya, may oras para sa gawain ng Diyos, anuman ang isagawa Niyang gawain. Matapos ang Kanyang bautismo, walang natatanging pagbabago kay Jesus; Siya’y nasa Kanyang orihinal na katawang-tao pa rin. Ito ay dahil lang sa sinimulan Niya ang Kanyang gawain at ibinunyag ang Kanyang pagkakakilanlan, at Siya ay puno ng awtoridad at kapangyarihan. Sa bagay na ito, Siya ay iba na mula sa dati. Iba na ang Kanyang pagkakakilanlan, maaaring sabihin na mayroong makabuluhang pagbabago sa Kanyang kalagayan; ito ang patotoo ng Banal na Espiritu, at hindi ang gawaing isinagawa ng tao. Sa simula, hindi alam ng mga tao, at mayroon lang silang kaunting nalaman nang nagpatotoo ang Banal na Espiritu para kay Jesus sa ganoong paraan. Kung nagsagawa ng dakilang gawain si Jesus bago magpatotoo ang Banal na Espiritu sa Kanya, ngunit wala ang patotoo ng Diyos Mismo, kaya gaano man kadakila ang Kanyang gawain, hindi malalaman ng mga tao ang Kanyang pagkakakilanlan, dahil hindi magkakaroon ng kakayahan ang mga mata ng tao na makita ito. Kung wala ang hakbang ng pagpapatotoo ng Banal na Espiritu, walang makakikilala sa Kanya bilang Diyos na nagkatawang-tao. Kung, matapos magpatotoo ng Banal na Espiritu sa Kanya, at si Jesus ay nagpatuloy na gumawa sa parehong paraan, na walang pagkakaiba, sa gayon hindi ito magkakaroon ng ganoong epekto. At dito pangunahing ipinakita din ang gawain ng Banal na Espiritu. Matapos magpatotoo ng Banal na Espiritu, kinailangang magpakita ang Banal na Espiritu, nang sa gayon ay iyong mamalas na Siya ang Diyos, na nasa Kanya ang Espiritu ng Diyos; hindi mali ang patotoo ng Diyos, at ito ang magpapatunay na ang Kanyang patotoo ay tama. Kung ang gawain noon at ngayon ay iisa, kung gayon ang ministeryo Niya ng pagkakatawang-tao, at ang gawain ng Banal na Espiritu, ay hindi mabibigyang-diin, kaya hindi magkakaroon ng kakayahan ang mga tao na makilala ang gawain ng Banal na Espiritu, dahil walang malinaw na pagkakaiba. Matapos magpatotoo, nararapat panindigan ng Banal na Espiritu ang patotoong ito, kaya kinailangan Niyang ipahayag ang Kanyang karunungan at awtoridad sa pamamagitan ni Jesus, na naiiba mula sa mga nakaraan. Syempre, hindi ito ang epekto ng bautismo; ang bautismo ay isang pagdiriwang lang, ang bautismo ay isang paraan lang upang maipakita na oras na upang isagawa ang Kanyang ministeryo. Ang ganoong gawain ay upang maipakita nang malinaw ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, maipakita nang malinaw ang patotoo ng Banal na Espiritu, at pananagutan ng Banal na Espiritu ang patotoong ito hanggang sa pinaka-wakas. Bago isagawa ang Kanyang ministeryo, nakinig din si Jesus sa mga turo, nangaral at nagpalaganap ng ebanghelyo sa iba’t ibang lugar. Hindi Siya nagsagawa ng anumang dakilang gawain dahil hindi pa dumarating ang oras upang isagawa Niya ang Kanyang ministeryo, at gayon din dahil mapagpakumbabang nagtago ang Diyos Mismo sa Kanyang katawang-tao, at hindi nagsagawa ng anumang gawain hanggang dumating ang tamang panahon. Hindi Siya gumawa bago ang bautismo dahil sa dalawang dahilan: Una, dahil ang Banal na Espiritu ay hindi pa opisyal na bumababa sa Kanya upang gumawa (maaaring sabihin na, hindi pa ipinagkaloob ng Banal na Espiritu kay Jesus ang kapangyarihan at awtoridad upang isagawa ang ganoong gawain), at kahit na nalaman Niya ang Kanyang pagkakakilanlan, wala sanang kakayahan si Jesus na isagawa ang gawain na nilayon Niyang gawin paglaon, at kinailangang maghintay hanggang sa araw ng Kanyang bautismo. Ito ang panahon ng Diyos, at walang may kakayahang sumalungat dito, kahit na si Jesus Mismo; hindi kayang gambalain ni Jesus Mismo ang Kanyang sariling gawain. Syempre, ito ang pagpapakumbaba ng Diyos, at gayundin ang kautusan ng gawain ng Diyos; kung ang Espiritu ng Diyos ay hindi gumawa, walang makagagawa sa Kanyang gawain. Pangalawa, bago Siya sumailalim sa bautismo, Siya ay isang napaka-karaniwan at ordinaryong tao lang, at walang pinagkaiba mula sa mga karaniwan at ordinaryong tao; ito ang isang aspeto kung paanong ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi nakahihigit sa karaniwan. Hindi sinalungat ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagsasaayos ng Espiritu ng Diyos; Siya ay gumawa sa maayos na paraan at napaka-normal. Pagkatapos lang ng bautismo saka nagkaroon ng awtoridad at kapangyarihan ang Kanyang gawain. Maaaring sabihin, na kahit Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, hindi Siya nagsagawa ng mga hindi pangkaraniwang gawa, at lumaki na katulad ng mga normal na tao. Kung nalaman agad ni Jesus ang Kanyang pagkakakilanlan, at nagsagawa ng mga dakilang gawain sa buong lupain bago ang Kanyang bautismo, at naging kakaiba mula sa normal na tao, ipinapakita ang sarili Niya bilang katangi-tangi, sa gayon hindi lang magiging imposible para kay Juan na isagawa ang Kanyang gawain, ngunit hindi rin magkakaroon ng paraan upang masimulan ng Diyos ang susunod na yugto ng Kanyang gawain. At kaya ito sana ay magpapatunay na ang ginawa ng Diyos ay mali, at sa tao, magmimistulang ang Espiritu ng Diyos at ang naging-taong katawan ng Diyos ay hindi nagmula sa iisang pinanggalingan. Kaya, ang gawain ni Jesus na naitala sa Biblia ay ang gawain na isinagawa matapos Siyang bautismuhan, ang gawaing isinagawa sa loob ng tatlong taon. Hindi naitala sa Biblia ang Kanyang ginawa bago Siya sumailalim sa bautismo dahil hindi Niya isinagawa ang gawaing ito bago Siya bautismuhan. Isa lang Siyang karaniwang tao, at kumatawan sa isang karaniwang tao; bago sinimulan ni Jesus na isagawa ang Kanyang ministeryo, wala Siyang ipinagkaiba mula sa mga karaniwang tao, at ang iba ay walang makitang pagkakaiba sa Kanya. Nang si Jesus ay tumuntong sa gulang na 29, nalaman Niyang naisakatuparan na Niya ang isang yugto sa gawain ng Diyos; bago noon, Siya Mismo ay hindi alam, dahil ang gawaing isinagawa ng Diyos ay hindi higit sa karaniwan. Nang dumalo Siya sa isang pagtitipon sa sinagoga noong Siya ay labindalawang-taong gulang, hinahanap Siya ni Maria, at isang pangungusap lang ang Kanyang sinabi, sa parehong paraan ng kahit na sinumang bata: “Inay! Hindi mo ba alam na dapat Kong unahin ang kalooban ng Aking Ama kaysa sa lahat?” Syempre, dahil Siya ay ipinagbuntis mula sa Banal na Espiritu, hindi ba Siya maituturing na katangi-tangi sa ibang paraan? Ngunit ang Kanyang pagiging katangi-tangi ay hindi nangangahulugang Siya ay higit sa pangkaraniwan, maliban lamang na minahal Niya ang Diyos nang higit kaysa sa sinumang ibang bata. Kahit na Siya ay isang tao sa paningin, ang Kanyang diwa ay katangi-tangi pa rin at iba sa lahat. Ngunit pagkatapos lamang ng Kanyang bautismo, saka Niya naramdaman ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa Kanya, naramdaman Niya na Siya ang Diyos Mismo. Nang narating lamang Niya ang gulang na 33, talagang naunawaan Niyang hinangad isagawa ng Banal na Espiritu sa Kanya ang gawain ng pagpapapako sa krus. Sa gulang na 32, nalaman Niya ang ilang mga katotohanang panloob, katulad ng mga nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo: “At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay. … Mula ng panahong yao’y nagpasimulang ipinakilala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, na kinakailangang siya’y pumaroon sa Jerusalem, at magbata ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at siya’y patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.” Hindi Niya alam antimano ang gawain na Kanyang isasagawa, ngunit sa isang tiyak na panahon. Hindi Niya ganap na nalaman nang Siya ay isinilang; unti-unting kumilos sa Kanya ang Banal na Espiritu, at mayroong paraan ng paggawa. Kung sa simula pa lang, nalaman Niyang Siya ay Diyos at Kristo, at ang nagkatawang-taong Anak ng tao, na kailangan Niyang isakatuparan ang gawain ng pagpapapako sa krus, sa gayon bakit hindi Siya gumawa dati pa? Bakit pagkatapos lamang Niyang sabihin sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa Kanyang ministeryo ay nakaramdam si Jesus ng kalungkutan, at taimtim na nanalangin para rito? Bakit nagbukas ng daan si Juan para sa Kanya at binautismuhan Siya bago Niya naunawaan ang maraming bagayna hindi Niya maunawaan? Pinatutunayan nito na ito ang gawain ng Diyos na naging-tao sa katawan, at upang Kanyang maunawaan, at makamit, mayroong proseso, dahil Siya ang Diyos na naging-tao sa katawan, na ang gawain ay iba mula sa mga direktang ginawa ng Banal na Espiritu.
Ang bawat hakbang sa gawain ng Diyos ay sumusunod sa iisang agos, at kaya sa anim na libong taon ng plano ng pamamahala ng Diyos, ang bawat hakbang ay malapit na sinusundan ng pangalawa, mula sa pagkakatatag ng mundo hanggang sa kasalukuyan. Kung walang magbibigay-daan, sa gayon walang makasusunod; dahil may mga nakasunod, may mga nagbigay-daan. Sa paraang ito, ang bawat hakbang ng gawain ay naipasa. Ang unang hakbang ay sinusundan ng pangalawa, at kung walang magbubukas ng daan, magiging imposible na simulan ang gawain, at walang magiging paraan ang Diyos upang sumulong sa Kanyang gawain. Walang hakbang ang sumasalungat sa iba, at ang bawat isa ay sumusunod sa una na parang agos; ang lahat ng ito ay isinagawa ng iisang Espiritu. Ngunit hindi alintana kung may naghanda ng daraanan, o nagsagawa ng gawain ng iba, hindi ito nagpapasiya ng kanilang pagkakakilanlan. Hindi ba tama ito? Si Juan ang nagbukas ng daan, at isinagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ito ba ay nagpapatunay na ang pagkakakilanlan ni Jesus ay mas mababa sa pagkakakilanlan ni Juan? Isinagawa ni Jehova ang Kanyang gawain bago si Jesus, masasabi mo ba na mas mataas si Jehova kaysa kay Jesus? Hindi mahalaga kung sila man ang nagbigay-daan o nagsagawa ng gawain ng iba; ang pinakamahalaga ay ang diwa ng kanilang gawain, at ang pagkakakilanlan na kanilang kinakatawan. Hindi ba tama ito? Dahil nagbalak ang Diyos na gumawa sa kalagitnaan ng mga tao, kinailangan Niyang itaas ang mga magbibigay-daan. Nang si Juan ay nagsimulang mangaral, at nagsabing, “Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas. Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit.” Nangusap siya sa ganoong paraan mula sa pinaka-simula, at bakit niya nasabi ang mga salitang ito? Sa pagkakasunud-sunod ng mga salitang ito, si Juan ang unang nangusap ng ebanghelyo sa kaharian ng langit, si Jesus ang sumunod na nangusap. Ayon sa pagkaintindi ng tao, si Juan ang nagbukas ng bagong landas, at syempre higit na dakila si Juan kaysa kay Jesus. Ngunit hindi sinabi ni Juan na siya ang Kristo, at hindi nagpatotoo ang Diyos sa kanya bilang minamahal na Anak ng Diyos, ginamit lang siya upang buksan at ihanda ang daan para sa Panginoon. Siya ang nagbigay-daan para kay Jesus, ngunit hindi siya maaaring gumawa sa ngalan ni Jesus. Ang lahat ng gawain ng tao ay pinananatili rin ng Banal na Espiritu.
Sa Panahon ng Lumang Tipan, si Jehova ang nanguna sa daan, at ang gawain ni Jehova ay kumatawan sa buong panahon ng Lumang Tipan, at ang lahat ng gawaing isinagawa sa Israel. Itinaguyod lang ni Moises ang gawaing ito sa lupa, at ang kanyang paghihirap ay maituturing na pakikipagtulungan ng tao. Sa panahong iyon, si Jehova ang nangusap, at tinawag Niya si Moises, at siya ay itinaas sa kalagitnaan ng mga tao sa Israel, at inatasan Niya si Moises upang pangunahan ang mga tao sa ilang papunta sa Canaan. Hindi lang ito gawain ni Moises, ngunit ito ay personal na iniutos ni Jehova, kaya si Moises ay hindi maaaring tawaging Diyos. Si Moises rin ang naglatag ng kautusan, ngunit ang kautusang ito ay personal na iniutos ni Jehova, na Siyang nagsanhi na sabihin ni Moises. Gumawa rin si Jesus ng mga utos, at pinawalang-bisa ang mga kautusan sa Lumang Tipan at ibinigay ang mga utos para sa bagong panahon. Bakit si Jesus ay Diyos Mismo? Dahil ang mga ito ay hindi magkakapareho. Sa panahong iyon, ang gawaing isinagawa ni Moises ay hindi kumatawan sa panahon, ni hindi rin ito nagbukas ng bagong daan; siya ay naunang pinangasiwaan ni Jehovah, at siya ay ginamit lamang ng Diyos. Nang dumating si Jesus, nagsagawa si Juan ng gawain ng pagbibigay-daan at nagsimulang ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit (sinimulan ito ng Banal na Espiritu). Nang nagpakita si Jesus, direkta Niyang isinagawa ang Kanyang gawain, ngunit may malaking pagkakaiba sa Kanyang gawain at ang gawain at mga pagbigkas ni Moises. Si Isaias ay nagpahayag din ng maraming hula, ngunit bakit hindi siya ang Diyos Mismo? Hindi nagpahayag ng maraming hula si Jesus, ngunit bakit Siya itinuring na Diyos Mismo? Walang naglalakas-loob magsabing ang gawain ni Jesus sa panahong iyon ay mula sa Banal na Espiritu, ni hindi rin sila naglakas-loob magsabing ito’y mula sa kalooban ng tao, o ito ay ganap na gawain ng Diyos Mismo. Walang paraan ang tao na magsuri ng ganoong mga bagay. Maaaring sabihin na si Isaias ay nagsagawa ng ganoong mga gawain, at nagpahayag ng ganoong mga hula, at ang lahat ng ito ay mula sa Banal na Espiritu; hindi ito direktang nagmula kay Isaias mismo, ngunit ito ay mga pagbubunyag mula kay Jehova. Hindi nagsagawa ng maraming gawain si Jesus, at hindi nangusap ng maraming salita, ni hindi rin Siya nagpahayag ng maraming hula. Para sa tao, ang Kanyang mga pangaral ay hindi masyadong itinaas, ngunit Siya pa rin ang Diyos Mismo, at iyon ay hindi maipapaliwanag ng tao. Walang sinuman ang naniwala kay Juan, o kay Isaias, o kay David, ni walang sinuman ang tumawag na Diyos sa kanila, o Diyos na David, o Diyos na Juan; walang nagsabi ng ganoon, at si Jesus lang ang kaylanma’y tinawag na Kristo. Ang pag-uuring ito ay ginawa ayon sa patotoo ng Diyos, sa isinagawa Niyang gawain, at sa ministeryong Kanyang isinakatuparan. Kaugnay ng mga dakilang tao sa Biblia—Abraham, David, Josue, Daniel, Isaias, Juan at Jesus—sa pamamagitan ng mga gawaing kanilang isinagawa, masasabi mo kung sino ang Diyos Mismo, at kung sino ang mga propeta at kung sino ang mga apostol. Kung sino ang mga ginamit ng Diyos, at kung sino ang Diyos Mismo, ay nakita ang pagkakaiba at natukoy sa pamamagitan ng kanilang diwa at ang uri ng gawain na kanilang isinagawa. Kung hindi mo kayang makita ang pagkakaiba, sa gayon ito’y nagpapatunay na hindi mo alam ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos. Si Jesus ay Diyos dahil nangusap Siya ng maraming salita, at nagsagawa ng maraming gawain, partikular na, nagpamalas Siya ng mga himala. Gayundin, si Juan ay nagsagawa rin ng maraming gawain, at nangusap ng maraming salita, gayundin si Moises; bakit hindi sila tinawag na Diyos? Si Adan ay direktang nilikha ng Diyos; bakit hindi Siya tinawag na Diyos, sa halip ay tinawag lang na nilalang? Kung may magsasabi sa’yo, “Ngayon, nagsagawa ng maraming gawain ang Diyos, nangusap ng maraming salita; Siya ang Diyos Mismo. Samakatwid, dapat ding Diyos si Moises dahil siya ay nangusap ng maraming salita!” dapat may ganting-tanong ka sa kanila, “Sa panahong iyon, bakit nagpapatotoo ang Diyos kay Jesus, at hindi kay Juan, bilang Diyos Mismo? Hindi ba dumating si Juan bago kay Jesus? Ano ang mas dakila, ang gawain ni Juan o ni Jesus? Para sa tao, nagmimistulang mas dakila si Juan kaysa kay Jesus, ngunit bakit nagpatotoo ang Banal na Espiritu kay Jesus at hindi kay Juan?” Pareho ang nangyayari sa ngayon! Sa simula, nang pinangunahan ni Moises ang mga tao sa Israel, nangusap si Jehova sa kanya mula sa mga ulap. Hindi direktang nangusap si Moises, sa halip ay direktang pinangunahan siya ni Jehovah. Ito ang gawain ng Israel sa Lumang Tipan. Wala kay Moises ang Espiritu o ang pagka-Diyos ng Diyos. Hindi niya magagawa ang ganoong gawain, kaya mayroong malaking pagkakaiba sa pagitan ng kanyang ginawa at sa ginawa ni Jesus. At ito ay dahil ang isinagawa nilang gawain ay magkaiba! Maging ang isang tao ay ginamit ng Diyos, o isang propeta, o apostol, o ang Diyos Mismo, ito ay mababatid sa pamamagitan ng uri ng kanyang gawain, at ito ang magwawakas ng iyong pagdududa. Nakasaad sa Biblia na tanging ang Kordero ang makapagbubukas sa pitong selyo. Sa loob ng ilang panahon, maraming mga tagapagpaliwanag ng banal na kasulatan sa mga dakilang tao na iyon, maaari mo bang sabihin na lahat sila ay Kordero? Maaari mo bang sabihin na ang kanilang mga paliwanag ay mula sa Diyos? Sila ay mga tagapagpaliwanag lang; wala silang pagkakakilanlan ng Kordero. Paano sila magiging karapat-dapat na magbukas ng pitong selyo? Ito ay totoo na “Tanging ang Kordero ang makapagbubukas ng pitong selyo,” ngunit hindi Siya pumarito upang buksan lamang ang pitong selyo; walang pangangailangan sa gawaing ito, ito ay ginawa nang hindi sinasadya. Siya ay perpektong malinaw tungkol sa Kanyang sariling gawain; kailangan ba Niyang maglaan ng maraming oras upang maipaliwanag ang banal na kasulatan? Dapat bang idagdag ang “panahon ng Kordero na nagpapaliwanag ng banal na kasulatan” sa anim na libong taon ng gawain? Pumarito Siya upang magsagawa ng bagong gawain, ngunit Siya rin ang nagbibigay ng mga pagbubunyag tungkol sa mga gawain sa nakaraan, ipinauunawa sa mga tao ang katotohanan ng anim na libong taong gawain. Hindi na kailangang ipaliwanag ang sobrang dami ng sipi mula sa Biblia; ang susi ay ang gawain ngayon, na siyang mahalaga. Dapat mong malaman na hindi dumating ang Diyos upang magbukas ng pitong selyo, pumarito Siya upang isagawa ang gawain ng pagliligtas.
Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa huling mga araw, ngunit paano Siya bababa? Ang makasalanang tulad mo, na natubos pa lang, at hindi nabago, at hindi ginawang perpekto ng Diyos, susundin mo ba kung ano ang nais ng Diyos? Para sa iyo, ikaw na siyang nananahan pa rin sa iyong dating sarili, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa kaligtasan ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka nagiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, ikaw ay puno ng karumihan, kasakiman at kasamaan, ngunit ninanais mo pa rin na bumaba kasama ni Jesus—napakapalad mo naman! Nagmintis ka sa isang hakbang sa iyong paniniwala sa Diyos: Ikaw ay natubos lang, ngunit hindi nabago. Upang ikaw ay makasunod sa ninanais ng Diyos, ang Diyos ang personal na gagawa ng pagbabago at paglilinis sa’yo; kung ikaw ay tinubos lang, hindi ka magkakaroon ng kakayahang magtamo ng kabanalan. Sa paraang ito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa mga biyaya ng Diyos, dahil nakalimutan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pag-perpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang tinubos, ay walang kakayahang direktang matamo ang pamana ng Diyos.
Kung wala ang pagsisimula ng bagong yugto ng gawain na ito, sino ang nakaaalam kung hanggang saan kayo makararating, kayong mga ebanghelista, mangangaral, tagapagpaliwanag, at tinatawag na mga dakilang espiritwal na tao! Kung wala ang pagsisimula ng bagong yugto ng gawain na ito, ang inyong sinasabi ay lipas na! Ito ay alinman sa pag-akyat sa trono, o ang paghahanda sa katayuan ng pagiging hari; alin man sa pagtatanggi sa sarili o pagsupil sa katawan ng isa; alin man sa pagiging matiisin o pagkatuto sa aral ng mga bagay; alin man sa kababaang-loob o pag-ibig. Hindi ba’t ito’y pagsabi lang ng dating parehong aral? Ito ay isang kalagayan lang ng pagtawag ng parehong bagay sa magkaibang pangalan! Alin man sa pagtatakip sa ulo ng isang tao at paghahati ng tinapay, o pagpapatong ng mga kamay at pagdarasal, at pagpapagaling sa may sakit at pagpapalayas sa mga demonyo. Magkakaroon ba ng anumang bagong gawain? Magkakaroon ba ng anumang inaasam na pag-unlad? Kung ikaw ay magpapatuloy na mamuhay ng ganito, susunod ka na parang bulag sa mga aral, o mananatili sa kaugalian. Naniniwala kayo na ang inyong gawain ay napakatayog, ngunit hindi ninyo ba alam na lahat ito ay ipinasa at itinuro ng mga “matatandang tao” noong sinaunang panahon? Hindi ba’t ang inyong mga sinasabi at ginagawa ay mga huling salita ng mga matatandang tao? Hindi ba’t ito ay mga utos ng mga matatandang tao bago sila namatay? Sa tingin ba ninyo na ang inyong mga kilos ay nakahihigit sa kilos ng mga apostol at propeta sa mga nakaraang salinlahi, at nakahihigit pa sa lahat ng bagay? Ang simula ng yugtong ito ng gawain ay nagwakas sa inyong pagsamba sa gawain ni Witness Lee na paghahangad na maging hari at pag-akyat sa trono, at pinigil ang iyong paghahambog at pag-iingay, upang hindi kayo makialam sa yugtong ito ng gawain. Kung wala ang yugto ng gawain na ito, kayo ay lulubog nang mas malalim sa hindi na matutubos. Napakarami ng mga lipas na nasa inyo! Sa kabutihang-palad ang gawain sa ngayon ay ibinalik kayo; kung hindi, sino ang nakakaalam kung saang landas kayo pupunta! Dahil ang Diyos ay ang Diyos na laging bago at hindi naluluma, bakit hindi ka naghahangad ng mga bagong bagay? Bakit ka nananatili sa mga lumang bagay? At kaya, ang pag-alam sa gawain ng Banal na Espiritu ngayon ang pinakamahalaga!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento