Kung minsan ang iyong mga kondisyon ay hindi normal-naiwawala mo ang presensya ng Diyos at hindi mo Siya madama kapag nanalangin ka; normal lamang ang makadama ng takot sa gayong mga pagkakataon. Dapat agad kang makipag-ugnayan sa paghahanap sa Diyos o ang Diyos ay magiging mas malayo sa iyo, at hindi mo makakasama ang Banal na Espiritu sa isa o dalawang araw , o kahit sa isa o dalawang buwan, at mas higit ka pang mawawalan ng Kanyang gawain. Kapag nakatagpo ka ng ganitong uri ng sitwasyon nagiging manhid ka paanuman; muli kang nagiging bihag ni Satanas, at makakaya ngang gumawa ng anuman -pag-ibig at pananabik sa salapi, panlilinlang sa mga kapatid, panonood ng mga pelikula at mga video, paglalaro ng madyong, maging ang paninigarilyo at pag-inom nang hindi sumasailalim sa anumang pag-disiplina. Ang iyong puso ay kumikilos palayo sa Diyos, lihim mong sinusubukang magsarili, at gumagawa ka ng iyong sariling mga paghatol sa Kanyang gawain ayon sa kagustuhan. Sa ilang pagkakataon napakaseryoso nito na ang mga tao ay nagkakasala sa di-kasekso na hindi nakadarama ng pagkapahiya o kahihiyan. Ang gayong mga tao ay iniiwanan ng Banal na Espiritu at sa katunayan, matagal nang nawalan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang tangi mong makikita sa kanila ay ang sila ay nagiging lalong masama, pinalalawak ang kanilang kasamaan, at sa huli itinatanggi nila ang pag-iral ng paraang ito- nagiging bihag sila ni Satanas sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan. Kung matutuklasan mo na nasa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu ngunit hindi ang Kanyang gawain, nasa napakapanganib na kalagayan ka na. Kapag hindi mo nadarama ang presensya ng Banal na Espiritu, ikaw ay nasa bingit ng kamatayan. Kung hindi ka pa rin magsisi, ikaw ay ganap na magiging kay Satanas at isa sa mga inaalis. Kaya kapag natanto mong nasa isang kalagayan ka kung saan mayroon ka lang presensiya ng Banal na Espiritu (hindi gumagawa ng mga kasalanan, nakikibahagi sa kahalayan, o hayagang lumalaban sa Diyos), ngunit wala ka ng gawain ng Banal na Espiritu (hindi ka naantig kapag nananalangin, hindi ka nagkakamit ng malinaw na pagkaunawa at kaliwanagan kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, ikaw ay tamad tungkol sa pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, laging kulang sa pag-unlad ng buhay, walang makabuluhang kaliwanagan sa mahabang panahon), sa mga panahong ito dapat kang maging mas maingat. Hindi ka na magpapasasa sa iyong sarili o mananatiling matigas ang ulo. Ang presensiya ng Banal na Espiritu ay maaaring maglaho anumang oras, kaya mga panahong mapanganib ang mga ganitong sitwasyon. Kung makakaharap mo ang ganitong uri ng kalagayan, dapat kang gumawa kaagad ng pagtutuwid. Unang-una, dapat kang manalangin upang magsisi, magmakaawa sa Diyos, manalangin nang mas mataimtim; bukod diyan, dapat patahimikin mo ang iyong puso para sa higit na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at sa saligang ito, dapat kang mas manalangin. Patatagin mo ang iyong mga pagsisikap sa pag-awit ng mga himno, pananalangin, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at sa paggawa ng iyong tungkulin. Kapag ikaw ay nasa iyong pinakamahina, ang iyong puso ay pinakamadaling maookupahan ni Satanas, kung magkagayon, ang iyong puso ay matatangay palayo mula sa harapan ng Diyos at ibabalik kay Satanas; pagkatapos nito, wala na sa’yo ang presensya ng Banal na Espiritu, at magiging napakahirap para sa’yo na mapanumbalik ang gawain ng Banal na Espiritu. Mas mainam na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu habang nasa iyo pa ang Kanyang presensya, hingin sa Diyos na mas liwanagan ka, at huwag hayaang lumayo Siya sa’yo. Dapat kang manalangin, umawit ng mga himno, gampanan ang iyong tungkulin, at kainin at inumin ang mga salita ng Diyos para hindi magkaroon si Satanas ng pagkakataon na gawin ang gawain nito. Sa paggawa nito, makakamit mo ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung hindi ka manunumbalik sa ganitong paraan pero basta lang maghihintay, kapag nawala mo ang presensiya ng Banal na Espiritu mahihirapan ka nang manumbalik, malibang talagang kikilusin, liliwanagan at bibigyan ka ng pang-unawa ng Banal na Espiritu; magkagayunman, hindi mapanunumbalik ang iyong kalagayan sa loob ng isa o dalawang araw, o maski kalahating taon. Ang lahat ng ito ay dahil nagpapabaya ang mga tao at hindi nakakayang magpatuloy sa karanasan; kaya nga, pinababayaan sila ng Banal na Espiritu. Kahit na nanumbalik ka ay hindi magiging ganap na malinaw sa iyo ang kasalukuyang gawain ng Diyos sapagkat masyadong napag-iwanan ang iyong karanasan sa buhay, na parang bumulusok. Hindi ba ito isang bagay na nagsasapanganib ng buhay? Ngunit sinasabi ko sa gayong mga tao: Hindi pa huli ang lahat para magsisi ka, pero may isang kondisyon, na iyon nga ay dapat kang lalo pang magsipag at hindi maaaring tamad. Kung ang ibang mga tao ay nananalangin ng limang beses araw-araw, dapat kang manalangin nang sampung beses; kung ang ibang mga tao ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang dalawang oras araw-araw, dapat kang gumugol ng apat hanggang anim na oras; kung ang ibang mga tao ay nakikinig sa mga himno nang dalawang oras, gumugol ka kahit man lang kalahating araw. Patahimikin mo ang iyong sarili nang madalas sa harap ng Diyos, at isipin ang pag-ibig ng Diyos; hanggat hindi ka naaantig, nababaling ang puso mo sa Kanya, at hindi ka na nangangahas na lumayo mula sa Kanya, magkakaroon ng bunga. Tanging sa pamamagitan ng mga pagsasagawang ito mababawi mo ang isang normal na kalagayan kagaya noong nakaraan.
Ang ilang mga tao ay masiglang naghahangad, ngunit hindi makapasok sa tamang landasin. Ito ay sapagkat masyado silang walang ingat at hindi kailanman binibigyang pansin ang mga bagay na espiritwal. Hindi nila kailanman nalalaman kung paano maranasan ang salita ng Diyos, hindi nila nalalaman kung ano ang presensya ng Banal na Espiritu o kung ano ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong ito ay masigasig ngunit naguguluhan; hindi nila hinahangad ang buhay. Sapagkat hindi nila nakikilala ang Banal na Espiritu katiting man, o nakikilala ang pagkilos ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi sila pamilyar sa kanilang sariling espiritwal na kalagayan. Hindi ba ito isang uri ng nalilitong pananampalataya? Ang gayong mga tao ay hindi magkakamit ng anumang bagay kahit maghangad pa sila hanggang sa katapusan. Ang pinakamahalagang punto sa paniniwala sa Diyos at pagkakaroon ng paglago sa iyong buhay ay nakasalalay sa pagkaunawa kung ano ang isinasagawa ng Diyos sa pamamagitan ng karanasan, sa pagmalas kung gaano kaibig-ibig ang Diyos, at sa pag-unawa sa Kanyang kalooban upang mapasailalim ka sa lahat ng mga pagsasa-ayos ng Diyos, maisakatuparan ang Kanyang mga salita sa’yo upang maging buhay mo, at mapalugod ang Diyos. Kung mayroon ka lamang isang uri ng pananampalatayang naguguluhan, hindi ka nagbibigay-pansin sa mga espirituwal na bagay, o mga bagay na may kinalaman sa mga pagbabago ng disposisyon sa buhay, at hindi ka nagsisikap tungo sa katotohanan, makakaya mo bang maunawaan ang Kanyang kalooban? Kung hindi mo nauunawaan ang mga hinihingi ng Diyos, hindi ka magkakaroon ng karanasan, at hindi ka makahahanap ng landas para sa pagsasagawa. Ang pokus sa pagdanas ng mga salita ng Diyos ay upang bigyang diin ang epektong nakamit sa iyo ng mga salita ng Diyos, at upang makilala ang Diyos sa pamamagitan niyan. Kung binabasa mo lamang ang mga salita ng Diyos subalit hindi nalalaman kung paano maranasan ang mga ito, hindi ba nito ipinakikita na wala kang espiritwal na pagkaunawa? Yamang hindi nararanasan ng karamihan sa mga tao ang mga salita ng Diyos ngayon, hindi nila nalalaman ang Kanyang gawain, hindi ba ito isang pagkukulang sa pagsasagawa? Kung magpapatuloy iyan, kailan maaaring matamo ang mayamang karanasan at paglago sa buhay? Hindi ba ito walang saysay na pananalita? Marami sa inyo ang nagbibigay-pansin sa mga doktrina; wala kayong pagkaunawa sa mga bagay na espiritwal, ngunit nagnanais pa rin kayo na gamitin ng Diyos sa isang bagay na dakila at pagpalain Niya. Ito ay hindi kailanman makatotohanan! Samakatwid, dapat ninyong mapunan ang kakulangang ito upang makapasok kayong lahat sa tamang landasin ng inyong espiritwal na buhay, magkaroon ng tunay na karanasan, at totoong pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento